ikaw, ang nag-iisang tiyak sa kabila ng libo-libong duda.

herwingswrite
3 min readSep 22, 2024

--

Our Beloved Summer (2021)

Sa mundong magulo at puno ng ingay, ikaw ang tahimik na tumutugon sa aking buhay. Sa dagat ng mga landas na hindi ko tiyak, ikaw ang liwanag na sa dilim ay yumayakap.

Kahit saan man ako dalhin ng mga alon, alam kong ang iyong presensya’y aking nagiging gabay at tugon. Sa bawat sulok ng mga duda’t pangangamba, ikaw ang tanging tiwala, ikaw ang aking taya. Kahit magbago ang hangin o panahon, ang puso ko’y sa iyo laging nakatuon.
Sa magulong mundo, ikaw ang pahinga, sa bawat liko, ikaw ang direksyon ng aking tala.

Kung darating man ang araw na hindi ko na makikilala ang sarili ko sa dami ng pagdududa, nais kong malaman mo na hinding-hindi ka mawawala sa aking puso. Kahit isang beses man lang, ikaw ang pinili nito, at sa bawat pagpili, alam kong totoo kung ano man ang isinisigaw nito.

Alam kong maaaring hindi ikaw ang makakasama ko balang araw — hindi ikaw ang tatayo sa tabi ko sa dulo ng lahat ng mga pagsubok na aking lalabanan. Ngunit nais kong malaman mo na kahit anong mangyari, naging bahagi ka pa rin kailanman ng aking puso. Isang bahagi na walang sinuman ang makakapalit, isang sulok na laging magpapaalala sa akin ng kung ano tayo at kung ano ang naramdaman ko para sa’yo.

Sa huli, kahit magbago ang landas na tatahakin ko, ikaw ay mananatiling bahagi ng aking kwento — isang kabanata na hindi ko pagsisisihan kailanman.

Sa mga ilang taon na ating pinagsamahan, sa bawat salin taon na tayo’y magkasama, tila ba’y nawawala ang lahat ng pagod sa aking buhay na parang bula. Sa mga bawat pagsubok na dumarating, ikaw ang nagiging liwanag na nagbibigay ng pag-asa at sagot sa mga tanong sa aking isipan.

Nakakatawang isipin, subalit totoo, sa tuwing ako’y nalulumbay at nagdududa, ikaw ang tanging taong naiisip kong lapitan. Sa iyong mga salitang puno ng karunungan, agad kong natutukoy ang tamang landas.

Ikaw nga ba ang sagot sa mga katiyakan sa likod ng mga libo-libong pagdududa ng aking puso?

Sa mga hirap at ginhawa, ika’y aking katuwang, nagbibigay-lakas at kapanatagan. Sa bawat hakbang, ikaw ang aking nagiging gabay at sa likod ng aking mga pag-aalinlangan, ikaw ang nagiging sandigan. Sa ating pagsasama, ikaw ang tanging sagot sa mga tanong ng aking isipan.

Nais kong ipabatid sa iyo na kung sakaling sa tingin mo’y wala ka nang malalapitan sa oras ng iyong paghihirap, huwag kang mahiyang lumapit sa akin. Huwag mong isipin na ikaw ay aking huhusgahan, sapagkat sa aking puso, alam kong hindi ko kayang gawin iyon. Sa halip, narito ako upang makinig at umalalay sa iyo, anuman ang iyong pinagdadaanan. Dahil kung hindi ikaw ang magiging kasama ko, mas mabuti pang huwag na lang.

Sa bawat pagdilat at pagpikit ng aking mga mata, at hanggang sa huling hakbang ng aking mga paa, alam kong habang-buhay, iibigin kita. Ang pag-ibig na ito’y walang hanggan, at sa bawat sandali, ikaw ang dahilan ng aking kasiyahan.

At sa ganitong paraan, alam kong ang puso ko’y hindi maliligaw, at mananatili akong tapat sa mga alaala ng ating pinagsamahan.

--

--

herwingswrite

a girl and her wings 🦋 — on a constant creative growth ☻